--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang opisyal ng pulisya  ang natangayan ng humigit kumulang Php90,000.00 ng isang nagpakilalang kawani ng tanggapan ng Pangulo sa Malakanyang.

Ang suspek ay si Robert Fuentes, nasa tamang edad, walang-asawa,self- employed at residente ng Mabantad, Cauayan City habang ang biktima ay si P/Sr. Insp. Reynaldo Viernes, 40 anyos, may-asawa at residente ng LaSam, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon mula sa Cauayan City Police Station, nagkakilala sina Fuentes at Viernes noong buwan ng Marso matapos makatanggap ng text ang pulis na nag-aanyaya sa kaniya para dumalo sa isang birthday party.

Bukod sa ipinakilalang nagtatrabaho sa tanggapan ng Pangulo sa Malakanyang, sinabi rin ng suspek na siya’y kilala ng mga matataas na pinuno ng PNP.

--Ads--

Dahil dito, hiningi umano ni P/Sr. Insp. Viernes ang tulong ni Fuentes para sa kanyang kaso sa NAPOLCOM.

Nagtiwala si Viernes na siya’y tutulungan ng suspek hanggang paulit-ulit na siyang hinihingan ng pera .

Umabot na umano sa humigit kumulang Php90,000.00 ang naibigay kay Fuentes mula noong Marso hanggang April 13, 2018 ngunit wala pa ring resulta ang kanyang kaso sa NAPOLCOM.

Dahil dito, nagpasya si P/Sr.Insp. Reynaldo Viernes na sampahan ng kasong estafa at usurpation of authority and official function si Robert Fuentes.