--Ads--

CAUAYAN CITY- Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan City na hindi ipapasubasta ang lahat ng naka-impound na motorsiklo sa kanilang tanggapan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Deo Salud, pinuno ng LTO Cauayan City na may sinusunod silang panuntunan sa pagpapa-subasta sa mga na-impound na mga motorsiklo.

Ginawa niya ang paglilinaw sa kabila ng mga lumabas na ulat na ang mahigit 100 impounded na motorsiklo ay nakatakdang ibenta o idaan sa bidding process.

Sinabi ng opisyal na batay sa sinusunod nilang regulasyon ay kinakailangan lamang ipasubasta ang isang motorsiklo kung ito ay mahigit anim na buwan nang hindi kinukuha ng may-ari na hinuli makaraan silang lumabag sa batas trapiko.

--Ads--

Idinagdag pa niya na mayroon nang kautusan sa kanya ang regional office ng LTO na gumawa ng ng report o iconsolidate ang mga motorsiklo na nakatakdang ipasubasta.

Hindi pa matiyak ng LTO Cauayan City kung ilan ang ipapa-subasta at nangako sila na malalaman ng publiko kung kailan ito isasagawa.

Binigyang diin ni G. Salud na hindi sila ang magbebenta ng mga motorsiklo kundi gagawin ito ng Regional Office ng LTO.