--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang drayber ng motorsiklo matapos makasalpukan ang kasalubong na Northern Luzon Bus sa sa Brgy. Magsaysay, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay si George Agsalda, 19 anyos, construction worker at residente ng Jones, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni P/Chief Inspector Villegas Claveria, hepe ng Bambang PNP na ang bus na minamaneho ni Edison Agonoy, 47 anyos, mayasawa at residente ng Napacco Grande, Reina Mercedes, Isabela ay galing ng hilagang direksyon patungong timog direksyon ng makasalubong ang biktima.

Hindi naman umano makaiwas ang nasabing bus matapos agawan umano ng linya sa pakurbadang daan at hindi rin umano ito agad napansin dahil mabilis at walang ilaw ang minamanehong motorsiklo ng biktima.

--Ads--

Agad namang dinala ang biktima sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital para malapatan ang mga tinamong sugat sa katawan ngunit idineklara ring dead on arrival.

Dahil dito ipinaalala ni Chief Inspector Villegas sa mga motorista na tiyaking nasa kondisyon ang sasakyan at maging disiplinado sa pagmamaneho para makaiwas sa aberya o aksidente.