--Ads--

CAUAYAN CITY – Bilang bahagi ng mga aktibidad at kautusan ng Isabela Police Provicial Office (IPPO) na magkaroon ng hakbang upang makaiwas sa insidente ng panloloob sa mga bangko na katulad sa nangyari sa Tuguegarao City ay magsasagawa ngayon ang Cauayan City Police Station ng bank to bank patrol sa mga bangko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt. Nelson Vallejo, hepe ng Cauayan City Police Station na layunin ng naturang hakbang na alamin ang kalagayan ng seguridad sa mga bangko sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga nagbabantay na guwardya sa mga bangko upang maiwasan ang bank robbery.

Kaugnay nito binanggit ni Supt. Vallejo na hindi sila papasok sa loob ng mga bangko.

Anya kinakailangan muna ng koordinasyon ang pulisya sa mga tagapamahala sa mga nasabing bangko at paunang pakikipag-ugnayan bago maaaring pumasok ang pulisya sa loob nito.

--Ads--

Nag-paalala rin siya na hindi sila magsasagawa ng pagbisita sa mga bangko tuwing gabi.

Kaugnay nito ipinaalala pa niya na bukod sa naka-unimporme ang mga pulis ay dapat sakay rin sila ng mga marked vehicle o patrol ng pulisya maliban na lamang kung kakilala nila ang mga nasabing pulis.

Samantala, kasabay ng isasagawang pulong ng Peace and Order Council at City Anti Drug Abuse Council ay pupulungin rin ng pulisya at lokal na pamahalaan ang mga tagapamahala ng mga bangko at security personnel nito upang maturuan sila sa mga dapat at hindi dapat gawin upang makaiwas sa mga magnanakaw at nanloloob sa bangko.