--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ang dalawang sales agent ng herbal medicine matapos masamsaman ng hindi lisensiyadong baril at ipinagbabawal na gamot sa Nueva Vizcaya.

Ang pagkakadakip sa mga suspek ay naganap matapos makatanggap ng sumbong ang Solano Police Station sa barangay Osmeña kaugnay ng pananapak sa isang bata gamit ang baril ng suspek na si Tirso Agustin, 46 anyos, residente ng Cuyapo, Nueva Ecija at pansamantalang nanunuluyan sa mga kamag-anak sa bayan ng Solano.

Sa pagtugon ng mga kasapi ng Solano Police Station ay nadatnan ang suspek na tangan pa ang baril kayat agad siyang inaresto.

Nakumpiska kay Agustin ang isang Calibre 38 na baril na may 6 na bala.

--Ads--

Sinabi umano ng suspek na binili niya ang baril at nakarehistro pa lamang ito sa dating may-ari.

Kinapkapan din ang suspek at nakuha sa kanya ang dalawang pakete na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Ayon sa mga tagasiyasat ng Solano Police Station, nadamay ang kasosyo sa negosyo ng suspek na si Emercelina Tiu, 42 anyos, nang makialam at humarang sa mga pulis nang aarestuhin sana si Agustin.

Nagwawala umano siya at tinangka pa umanong agawin ang baril ng isa sa mga pulis.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous act of 2002 at RA 10591 (comprehensive firearms and ammunition regulation act) si Agustin habang obstruction of justice at alarm and scandal ang isasampa laban kay Tiu.