--Ads--

CAUAYAN CITY- Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isang gasoline boy na dinakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa kanilang isinagawang drug buy bust operation sa isang hotel sa barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang suspek ay si Abraham Almoite, 22 anyos at residente ng barangay San Andres, Cabatuan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, natuklasan sa pagsisiyasat ng pulisya na patuloy pa ring gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot o shabu ang pinaghihinalaan.

Dahil dito nagsagawa ng operasyon ang Cauayan City Police Station katuwang ang PDEA Region 2 na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek matapos matagumpay na nakabili ang pulis na nagpanggap na Poseur Buyer ng isang pakete ng hinihinalang shabu.

--Ads--

Nakakaharap din sa kahalintulad na kaso si si Rocky Cagabi, 26 anyos, binata at residente ng Dammao, Gamu, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Gamu Police Station, habang nasa impluwensiya ng nakakalasing na inumin ay sinugod umano ng suspek ang bahay ng kanyang tiyuhin na si Rogelio Cagabi at nagbantang papatayin siya at ang kanyang pamilya.

Humingi umano ng tulong ang pamilya ni Domingo kay Barangay Kapitan Camilo Preza subalit binato umano siya ng suspek kung kayat kanilang dinakip at dinala sa Gamu Police Station.

Matapos nito ay sinabihan umano ng hepe ng himpilan na kapkapan ng punong barangay ang suspek bago ipasakamay sa pulisya kung saan nasamsam sa pag-iingat ni Cagabi ang mga hinihinalang pinatuyong dahon ng Marijuana na nakabalot sa isang transparent plastic sachet na nakalagay sa pakete ng sigarilyo kasama ang isang stick ng sigarilyo.

Dinala sa PNP Crime Lab Ilagan City, Isabela ang nakumpiskang droga sa pinaghihinalaan para sa examinasyon.