--Ads--

CAUAYAN CITY- Isa ang patay, dalawa ang nasugatan matapos mabangga ng isang tricycle ang nakabisikletang lalaki sa barangay Ipil, Echague, Isabela.

Ang nasawi na tsuper ng bisikleta ay si Rolly Savella, 50 anyos, magsasaka at residente ng Buneg, Echague, Isabela habang ang nagmaneho ng tricycle ay si Hector Sargado, 48 anyos, residente ng Quezon, San Isidro, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Chief Inspector Andy Orilla, hepe ng Echague Police Station na binabagtas ng tricycle ang bahagi ng pambansang lansangan sa barangay Ipil patungong hilagang direksiyon nang mabangga ang bisikleta na umagaw ng linya dahil nasa impluwensiya ng alak ang sakay nito na si Savella.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Savella habang ang tsuper ng tricycle ay dinala rin sa pagamutan dahil sa tinamong bali at sugat sa kanyang baba.

--Ads--

Ang kanyang pasahero na si Jayson Jimenez, 16 anyos ay nagtamo rin ng sugat sa kanyang noo, ilong at kanang kamay na kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa Santiago City.