--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy ang ginawang pagtulong ng Department of Science and Technology ( DOST ) Isabela sa mga micro, small, meduim enterprices upang mapaganda ang kanilang mga kagamitan o proseso sa kanilang negosyo sa ilalim ng Small Enterprice Technology Upgrading Program ( SET-UP )ng DOST.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Science Research Specialist 2 Angel Gorospe ng DOST Isabela na pangunahing tinutugunan nila ang teknikal na aspeto ng mga negosyo tulad ng pagpapaganda ng mga makinarya na ginagamit sa negosyo.

Anya bukod rito tumutulong rin sila sa mga manufacturer na sumunod sa mga pamantayan ng good manufacturing practices, at sa mga mangangalakal na makakuha ng license to operate sa FDA.

Karamihan anya sa kanilang natutulungan ang mga nasa food processing sectors habang ang iba pa ay sa furniture, micro electronics, at ang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na sektor ng agrikultura.

--Ads--

Sa pamamagitan ng SET-UP ay maaaring mapahiraman ang mga mangangalakal na gustong pagandahin ang kanilang mga negosyo ng walang interest sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay Gorospe, taong 2002 pa nang nag-umpisa ang naturang programa subalit hindi lang ito gaanong naipakilala sa mga mamamayan.

Sa ngayon ay mahigit 100 na ang natulungan ng DOST na mga mangangalakal sa Isabela.

Sa mga gustong matulungan ng naturang programa, bukas anya ang kanilang tanggapan kung saan kinakailangan lamang rehistrado at may permit ang mga pinapatakbong negosyo ng mga mangangalakal.