--Ads--

CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong swindling ang mag-apo na inaresto sa entrapment operation matapos ireklamo dahil sa paggamit sa isang lending cooperative sa kanilang panloloko sa mga tao gamit ang social media.

Naaresto sina Adela Aguto, 60 anyos, biyuda at kanyang apo na 17 anyos, may kinakasama, kapwa residente ng Aurora West, Diffun, Quirino.

Ang pinagsanib na puwersa ng Diffun Police station, Quirino Police Provincial Office (QPPO) at CIDG Quirino ay nagsagawa ng entrapment operation sa pakikipagtulungan ng isang money courier sa Andres Bonifacio, Diffun, Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Chief Inspector Victoriano Yarcia, hepe ng Diffun Police Station na dumulog sa kanilang himpilan si G. Willard Capel, 41 anyos, may-ari ng United Farmers Credit Cooperative.

--Ads--

Ito ay matapos matuklasan ng kanilang collector ang paggamit sa lending cooperative ng mga suspek para mang-akit ng loan sa pamamagitan ng online.

Nais ni G. Capel na malinis ang kanilang lending cooperative dahil hindi naman sila gumagawa ng transaction sa pamamagitan ng online.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na lumikha ang kinakasama ng kanyang apo ng Facebook page kung saan nakalagay ang mga requirement para sa pag-loan sa ng lending cooperative.

Siya rin ang nakikipag-transaction sa mga loan applicant.

Kapag mayroon nang nagpadala ng pera sa money courier ay inuutusan ang lola na kunin ang pera

Bago mai-release ang utang ay dapat munang magbayad ang aplikante ng Php1,000.00 para sa Php10,000.00 na loan habang Php2,000.00 para sa Php20,000.00 loan.

Ipinapadala ng mga aplikante ang kanilang bayad sa money courier.

Sinabi ni P/Chief Inspector Yarcia na sa pamamagitan ng online at text messages ang transaction.

Ang ilan nilang personnel ay nagpanggap na aplikante ng loan at nagkaroon ng transcation sa messenger.

Para mahuli ang suspek na kukuha ng Php2,000.00 na ipinadala nila sa isang money courier ay kinausap nila ang branch na nakipagtulungan naman para maisagawa nila ang entrapment operation.

Matapos silang magpadala ng pera at nai-send sa suspek ang larawan ng resibo ay nagsagawa na sila ng preposition sa lugar para agad siyang mahuli kapag kinuha ang padalang pera.

Sinabi ng mga inaresto na umaabot na umano sa 30 ang kanilang nabiktima at umabot na rin sa Php50,000.00 ang kanilang nakoleta.

Nagpanggap umano ang mga suspek na taga-Bulacan para mailigaw ang kanilang mga nabibiktima.

Kabilang sa kanilang mga nabiktima ay mula sa Bulacan, Caloocan City at iba pang lugar sa Maynila.