CAUAYAN CITY – Tatakbong bise gobernador sa halalan sa 2019 si dating Governor Grace Padaca na naghain na kahapon ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) sa Commission on Elections (Comelec) sa lungsod ng Ilagan ka-tandem ang kakandidatong governor na si Rep. Napoleon “Pol” Dy na unang naghain ng kanyang CoC.
Makakatunggali ni Padaca, na dati ring Comelec commissioner si incumbent Governor Faustino “Bogie” Dy III na nakatatlong termino na at tatakbong bise gobernador.
Si Gov. Bogie Dy ang dalawang beses na tumalo kay Padaca sa pagka-gobernador.
Inaasahang makaka-tandem naman ni Gov. Dy si Rep. Rodito Albano ng 1st district ng Isabela.
Matapos maghain ng kandidatura si Padaca kahapon ay nagsagawa sila ng press conference sa Gamu, Isabela kasama ang mga kaalyado sa politika.
Inamin niya na nahirapan siyang magpasya at pinag-isipang mabuti ang alok sa kanya na maging ka-tandem si Cong. Dy.
Pumayag daw siya na maka-tandem ng kongresista dahil sa kahandaan niyang magsampa ng kaso laban sa kanyang kapatid na si Gov. Bogie kaugnay ng mga paratang na katiwalian sa kanyang administrasyon.
Inamin din nd dating lady governor na kumandidato siya sa pagka-bise gobernador sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na partido ni Cong. Dy dahil sa wala siyang pera para tapatan ang kanyang makakalaban.
Si Padaca ay dating assistant station manager ng Bombo Radyo Cauayan at tumatak sa mga tagapakinig dahil sa pagiging mahusay at matapang na komentarista at host ng public affairs program.