--Ads--

2 katao patay sa magkasunod na aksidente sa Nueva Vizcaya

SA LALAWIGAN NG NUEVA VIZCAYA – Patay ang 76 anyos na negosyante matapos mabangga ng SUV sa Maharlika Highway ng Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay si Andres Bulanadi, 78 anyos, may asawa residente ng Talavera, Nueva Ecija.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni SPO3 Marcel Goloyugo tagasiyasat ng Bayombong Police Station na bigla umanong tumawid ang biktima sa pababang bahagi ng daan na nagresulta upang mabangga ng Toyota Grandia na may plakang ABZ 2945 na minamaneho ni Jed Francis Guerrero, 21 anyos, isang Medical Technologist, residente ng Brgy Solano, Nueva Vizcaya na patungo sanang timog na direksyon pangunahin na sa bayan ng Bambang.

--Ads--

Dahil dito ay nakaladkad ang biktima ng 10 metro mula sa pinangyarihan ng aksidente na nagresulta upang magtamo ng malalang sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan pangunahin na sa kanyang ulo.

Agad isinugod ang biktima sa Veterans Regional Hospital subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Hindi naman nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima matapos magkasundo na tutulong ang tsuper ng sasakyan sa gastusin sa burol ng biktima na agad ding inuwi sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Samantala patay si Samuel Ringor, 44 anyos, residente ng Roxas, Solano, Nueva Vizcaya makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsilo sa pampasaherong bus sa national highway sa bayan ng Solano.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Solano Police Station ang biktimang si Ringor ay lulan ng kanyang motorsiklo nang mabangga ng Florida bus na minamaneho ni John Kendrick Dinamling, 30 anyos, may-asawa at residente ng Magsaysay Bayombong, Nueva Vizcaya.

Mabilis umano ang pagpapatakbo ni Ringor sa kanyang motorsiklo gayundin ang pagmamaneho ni Dinamling sa bus kayat hindi naiwasan ang kanilang banggaan.

Dinala sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival habang ang tsuper ng bus ay nasa pangangalaga na ng Solano Police Station para sa kaukulang disposisyon.