CAUAYAN CITY- Mahigpit na ipapatupad ng provincial government ng Isabela ang liquor ban at ‘no sailing no fishing policy’ kapag nagtaas na ng warning signal ang PAGASA kaugnay ng bagyong Rosita.
Ito ay dahil nauna nang mayroong ipinalabas na executive order ang Governor ng Isabela na pagbabawal sa pag-inom ng nakalalasing na inumin at pagbabawala sa pangingisda sa mga karagatan, ilog at sapa sa Isabela sa panahon ng bagyo.
Nauna nang sinabi sa Bombo Radyo Cauayan ni Assistant Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Basilio Dumlao na kabilang sa tinalakay sa pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagtataas sa mga Municipal at City DRRMC na pag-usapan ang mga paghahanda sa paparating na bagyo.
Sinabihan rin ang pulisya na maglabas ng parehong kautusan para sa mga hepe ng bawat himpilan.
Inatasan rin ang PNP, AFP at BFP na gumawa ng deployment plan ng mga itatalaga sa ibat-ibang lugar.
Ayon pa kay Assistant PDRRM Officer Dumlao, pinaghahanda na nila ang Provincial Social Welfare and Development Office ng mga relief goods na ipamamahagi sa mga maaapektohan ng bagyo.
Pinagtutuunan anya nila ng pansin na bigyan ng mga prepositioned relief goods ang apat na Coastal Town ng Isabela.