CAUAYAN CITY – Itutuloy ng provincial at municipal government ang retrieval operation sa Banawel, Natonin, Mt. Province kahit nagdesisyon ang Incident Commnand Post na pinamumunuan ng Philippine Army na ititigil na sa Biyernes ang operasyon sa gumuhong gusali ng DPWH.
Sa naging panayam ng Bombo radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Bonifacio Lakwasan Jr. na dumalaw siya sa landslide area kahapon at ito ang napag-usapan nila sa namumuno sa Incident Command Post na si Lt. Col. Narciso Nabulneg, ang commanding officer ng 54th Infantry Battalion Philippine Army.
Umaabot pa sa 12 ang nawawala at ang mga biktima ay posibleng matatagpuan sa basement ng gusali dahil dito nakuha kahapon ang dalawang bangkay.
Sinabi ni Gov. Lakwasan na hindi na lang paghuhukay ng mga tao kundi gumagamit na ng mga heavy equipment ang umaabot sa 400 na nagsasagawa ng retrieval operation.
Ayon pa kay Gov. Lakwasan, ang nangyaring landslide sa Natonin sa pagtama ng bagyong Rosita ang pinaka-grabe kumpara sa nangyari noon sa bagyong Ondoy.
Inamin din niya na wala sa geo-hazard map ng Mt. Province ang lugar kung saan nangyari ang landslide sa Banawel, Natonin.
Nakapagbigay na rin ng tulong ang LGU Natonin at DSWD.