CAUAYAN CITY- Nagpahayag ang mga pinay teachers na naninirahan na ngayon sa Amerika ng pagsuporta sa mga kandidato ng democrats sa gaganaping midterm elections bukas sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Amada Gaffud Natividad ng Soyong, Echague, Isabela na naninirahan na ngayon sa Maryland, U.S.A na very vocal ang mga kapwa niya guro na kasapi sa isang unyon ng mga teachers sa pagsuporta sa mga kandidato ng democrats.
Anya pinili umano nila ang may plataporma na nagsusulong sa kapakanan ng mga guro.
Ayon kay Natividad, ikinadismaya umano ng mga supporters ng Democrats ang panunungkulan ni Republican President Donald Trump pangunahin na sa kanyang isinusulong na paghihiwalay ng mga migrants child sa kanilang mga magulang at iba pang isyu na iniuugnay sa kasalukuyan nilang pangulo.
Si Natividad ay sampong taon nang naninirahan at nagta-trabaho bilang elementary teacher sa Estados Unidos at napagkalooban na ng U.S. Citizenship sa nasabing bansa.
Anya sa tagal na nilang naninirahan sa nasabing bansa ay wala umano siyang nasaksihan na kaguluhan sa mismong araw ng halalan.