CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan ng pamunuan ng 86th Infantry Battalion Philippine Army ang ilang anggulo sa naganap na pagsunog kagabi ng mga armadong lalaki sa isang trailer at 2 tractor ng Ecofuel Land Development Incorporated sa Babaran, Echague, Isabela.
Ang tractor operator na si Jomar Espiritu, 36 anyos, residente ng Babaran, Echague, Isabela ang nagsumbong sa Echague Police Station hinggil sa pagsunog ng nakita niyang 4 armadong lalaki na nakasuot ng camouflage jacket sa trailer at dalawang tractor.
Dakong alas sais kagabi nang makita niya ang mga lalaki na armado ng mga mahahabang baril kaya umalis siya sa lugar dahil sa kanyang takot ngunit nang bumalik siya dakong alas siyete kagabi ay nagulat siya nang makita ang mga nasunog na kagamitan.
Ang isang tractor ay ganap na nasunog habang bahagyang nasunog ang isa pa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. Col. Remigio Dulatre, battalion commander ng 86th IB na bagamat wala pa silang nakalap na ebidensiya ay may posibilidad na mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang may kagagawan sa pagsunog sa mga farm machineries.
Inaalam din nila kung ang pagsunog sa mga tractor ay may kaugnayan sa mga kinontratang lupa na tinaniman ng tubo na may problema.
Wala silang nakuhang impormasyon kung may pangingikil ang mga NPA sa barangay Babaran at walang nababanggit ang pamunuan ng Ecofuel Land Development Inc. na nagpapatakbo ng Bio-ethanol Plant na nagkokontrata ng mga nagtatanim ng mga tubo sa lugar ngunit sa mga kalapit na barangay ay may nakuha silang impormasyon noon.
May ilang tao rin noon ang nagsabi na nakatanggap ng extortion letter at paniningil ng red tax ngunit sa mga nagdaang buwan ay wala silang natanggap na impormasyon.
Sinabi rin ni Lt. Col. Dulatre na nagkaroon na sila ng koordinasyon sa Echague Police Station ngunit nagkasundo na hiwalay ang gagawing imbestigasyon.
Hinikayat ni Lt. Col. Remigio Dulatre ang mga kontraktor at may-ari ng kompanya na makipagtulungan sa kanila para hindi sila mabiktima ng pangingikil ng mga rebelde.