CAUAYAN CITY – Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 2 ang 20 pesos na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa ikalawang rehiyon na magkakabisa sa November 25, 2018.
Nakasaad sa wage order no. RTWPB 02-19 na pinagtibay noong October 22, 2018 na 10 pesos ang pagtaas sa basic wage ng mga empleado habang 10 pesos din ang dagdag sa Cost of Living Allowance (COLA).
Ang mga non-agriculture and retail/service establishments na may mahigit 10 na manggagawa ay mayroon nang minimum wage rate na 360 pesos habang sa agriculture ay 340 pesos.
Ang mga retail/service establishment na walang 10 na empleado ay 320 pesos ang minimum wage.
Bago nagpalabas ng bagong wage hike order ang RTWPB Region 2 ay nagsagawa muna ng public consultation sa Basco, Batanes, Solano, Nueva Vizcaya at Santiago City para malaman ang panig ng mga manggagawa at employer sa pagtaas ng arawang sahod.
Sa inilabas na RTWPB-DW-02 ay ginawa na ring 3,500 ang buwanang sahod ng mga domestic workers o kasambahay sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa region 2.