CAUAYAN CITY – Tinuligsa ng pangulo ng National Union of Journalists of the Philippines ( NUJP) ang kawalan ng pag-aalala ng gobyerno para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng Maguindanao Massacre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Jose Jaime “Nonoy” Espina, presidente ng NUJP na kahit nakatutok sila sa mga kaso laban sa mga akusado ay ang gobyerno ang talagang makakagawa ng pagkilos para mabigyan ng katarungan ang mga biktima.
Iginiit niya na ang pagpaslang sa mga kagawad ng media at iba pang extra judicial killings sa bansa ay pananagutan ng estado.
Ibig sabihin nito ay kahit sinong nakaupong pangulo ay kasama sa tungkulin nito na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen
Sinabi pa ni Espina na hiniling nila sa mahigit 50 chapter ng NUJP na magsagawa ng sariling paggunita bilang pagbibigay-pugay sa mga kagawad ng media na kasama sa 58 na nasawi sa Maguindanao massacre .