CAUAYAN CITY- Kasabay ng paglabas mula sa eroplano ng labi ng sundalong namatay sa pananambang ay bumuhos ang luha ng kanyang mga magulang at pamilya sa pag-uwi ng labi kaninang hapon sa Isabela.
Una nang napaulat na namatay si Corporal Herald Tomas Marayag, residente ng San Guillermo, Isabela matapos ang ginawang pananambang sa kanila ng mga mga kasapi ng abu sayaff group noong Biyernes sa Patikul, Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Eng’r. David Tomas, tiyuhin ni Corporal Marayag, na hindi umano inaasahan ng kanyang pamilya at kamag-anak ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay.
Anya, hindi niya malimutan ang laging sinasabi ng kanyang pamangkin na sa kanyang pagsusundalo ay nakalagay na sa hukay ang kanyang isang paa.
Nais anya ni Marayag na makatapos sa kolehiyo subalit dahil walang sapat na pera para makapag-aral ay naisipan niyang pumasok sa Philippine Army.
Anya, nasa pamilya na rin kasi nila ang pagsusundalo dahil ilan sa kanilang kamag-anak ay sundalo at war veterans.