CAUAYAN CITY – Patay ang isang pulis na nakatalaga sa Kalinga province matapos pagbabarilin sa Tanggal, Cordon, Isabela.
Ang nasawi ay si SPO4 Ronald Galap, residente ng Magsaysay, Cordon, Isabela ngunit nakatalaga sa Lubuagan, Kalinga bilang Municipal Executive Senior Police Officer (MESPO).
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office o IPPO, lumabas sa imbestigasyon ng Cordon Police Station na nakatayo ang biktima sa labas ng kanyang sasakyan nang lapitan at pagbabarilin siya ng mga hindi pa nakilalang suspek.
Matapos ang pamamaril ay nag-iwan umano ang mga suspek ng mensahe sa sasakyan ng biktima na “ Abusadong pulis! Mabuhay ang CPP-NPA”.
Tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek sakay ng puting pick-up patungong Villa Marso, Cordon, Isabela.
Dinala si SPO4 Galap sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.
Siyam na bala ng Caliber 45 ang nakuha sa crime scene.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SPO3 Franklin Alvarez, investigator ng Cordon Police Station na inaalam pa nila kung talagang may kinalaman ang New People’s Army (NPA) sa pagpatay kay SPO4 Galap.
Aakuin naman ito aniya ng mga rebelde kung talagang kagagawan nila ang pagpatay.
Iimbestigahan din nila kung may kinalaman sa droga ang pagpatay kay SPO4 Galap dahil siya ay nasa drug watchlist nang nakatalaga sa Cordon Police Station kaya inilipat siya sa Lubuagan, Kalinga.
Wala umanong nakaaway at natanggap na pagbabanta sa buhay si SPO4 Galap batay sa pahayag ng kanyang misis.