CAUAYAN CITY – Umabot na sa labing isa ang naitalang sunog ng Bureau of Fire Protection o BFP sa buong Pilipinas simula noong December 31, 2018 hanggang ngayong araw, January 2, 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo inihayag ni Fire Supt Joan Vallejo, tagapagsalita ng BFP-Central Office, bumaba ng 70.59 percent ang naitalang sunog sa bansa kumpara noong nakaraang 2017.
Nangunguna sa maraming mga naitalang sunog ang National Capital Region na mayroong anim na nangyaring sunog na sinundan ng Region 1 at Region 4A.
Ang mga naitalang sunog ay hindi dahil sa paputok kundi dahil sa mga nag-overheat na cellphone, electrical wire, octopus connection at iba pa.
Samantala, batay rin sa datos ng BFP-Central Office bumaba ng isa ang naitalang firecracker related fire incidents sa bansa o sunog dahil sa paputok.
Noong 2017 ay mayroon lamang dalawampu’t isang firecracker related fire incidents.
Noong 2018 naman ay mayroong dalawampong firecracker related fire incidents. Pinakahuling naitala ay sa Bocaue, Bulacan noong ikadalawampu’t anim ng Disyembre, 2018 matapos masunog ang isang tricycle dahil sa ikinargang paputok.