CAUAYAN CITY – Nagsimula na ang reshuffle o pagpapalit ng mga Provincial Election Supervisor sa limang probinsiya sa region 2 bilang paghahanda sa 2019 midterm election.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Assistant Regional Director Jerbee Cortez ng Comelec Region 2 na nagsimula ang pagpapalit ng Provincial Election Supervisor noong December 28, 2018.
Mismong ang mga Provincial Election Supervisor ang pumili ng kanilang magiging Area of Responsibility para sa nalalapit na halalan.
Si Provincial Election Supervisor Atty. Manuel Castillo ng Isabela ay napunta sa Cagayan habang si Provincial Election Supervisor Michael Camangeg ng Cagayan ay napunta sa Isabela.
Si Provincial Election Supervisor Abraham Johnny Asuncion ng Nueva Vizcaya ay napunta naman sa lalawigan ng Batanes habang si Provincial Election Supervisor Atty. Irving Calauad ng Batanes ay napunta sa Quirino at si Provincial Election Supervisor Atty Erwin Valerozo ng Quirino ay napunta naman sa probinsiya ng Nueva Vizcaya.
Samantala, nilinaw naman ni Assistant Regional Director Cortez na mananatili sa balota ang mga nuissance candidate hanggat hindi pa naidedeklarang panggulong kandidato at wala pang desisyon sa kaniyang estado.
Ngunit kung mayroon ng desisyon at final and executory ang naging desisyon sa isang kandidato bilang nuissance candidate, lahat ng kaniyang boto ay mapupunta sa kaniyang nakatunggali sa halalan.