CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng Aritao Police Station ang nangyaring panloloob at pagnanakaw ng apat na kalalakihan sa isang boarding house sa Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang mga biktima ay sina Mar Legaspi, 55-anyos, residente ng Santiago City; Joseph Pigao, 50, residente ng Baggao, Cagayan; at Cresbi Florida, 39, residente ng Biliran, Leyte, pawang pansamantalang naninirahan sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Aritao Police Station, lumabas umano si Pigao nang biglang may apat na nagpakilalang National Bureau of Investigation (NBI) personnel.
Gayunman, nakasuot ang mga ito ng face mask, sombrero, jacket at maong pants, habang bitbit ang hindi pa mabatid na uri ng baril.
Matapos makapasok sa loob ng boarding house ang apat na suspek, tinutukan ng baril ang mga biktima saka pinadapa, tinali ang mga kamay at paa gamit ang masking tape, at tinakpan din ng masking tape ang kanilang mga mata at bibig.
Pinadapa rin ng mga suspect maging ang apat na batang kasama sa niloobang bahay na mga nasa edad apat na taong gulang hanggang 11-anyos.
Dahil walang laman ang vault, pinuntirya ng mga suspeck ang pitaka ni Pigao na naglalaman ng P10,000 at isang cellphone.
Kinuha rin ang pouch ni Florida na naglalaman ng P240,000.00 at cellphone na pagmamay-ari naman ni Legazpi.
Matapos makapagnakaw, mabilis silang tumakas sa hindi malamang direksiyon.