--Ads--

CAUAYAN CITY – Nahaharap ngayon sa kasong frustrated parricide at paglabag sa Republic Act 10591 ( Illegal Possesion of Firearms ) ang isang lalaki matapos niyang barilin ang kanyang ama sa barangay Rizal, Cauayan City.

Ang inaresto ay si Jayson Andres, 26 anyos, may-asawa habang ang biktima ay ang kanyang amang si Melecio Andres,48 anyos, may-asawa, security guard at residente ng nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na umuwi ang biktima nang lasing.

Nagising si Jayson at kinuha ang improvised na baril at pinaputukan ang braso ng kanyang ama.

--Ads--

Nakahingi naman ng tulong ang ama sa mga opisyal ng barangay kaya nadakip ang anak nito.

Sa ngayon ay nagpapagaling na ang biktima habang dinala sa Cauayan City Police Station ang suspek.

Samantala, inihayag naman ng suspek na napuno na siya kaya nagawa niyang baril ang ama dahil lagi umanong pinakikialaman ang kanyang trabaho sa isang construction at minumura tuwing nalalasing.

Ayon pa kay Jayson, siya mismo ang gumawa ng kanyang baril na may balang holen.

Inihayag naman ni P/Chief Inspector Jane Abegail Bautista, pinuno ng Administration Branch ng Cauayan City na hindi maituturing na paglabag sa omnibus election code ang naturang pamamaril dahil naganap ito sa loob ng kanilang bahay.