CAUAYAN CITY – Tiniyak ng COMELEC Cauayan city na hindi makakaapekto sa voter’s list dahil sa suliraning data breach sa passports na kinakaharap ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas o DFA matapos tangayin ng dating contractor ang mga personal information ng mga may hawak ng pasaporte mula 2009..
Sa panayam ng Bombo radyo Cauayan, inihayag ni City Election Officer 4 Efigenia Marquez na malayong magagamit sa 2019 midterm elections ang mga nasabing personal information dahil natapos na ang pagpapa-imprenta ng kanilang voter’s list.
Sakali anyang madadagdagan ang bilang ng mga botante ay kinakailangang maghain ng petition for inclusion sa pangalan ng kanilang voters list ngunit bihira anya itong mangyari.
Umaabot anya sa 84,058 ang rehistradong botante para sa 2019 midterm elections sa Lunsod ng Cauayan.
Sinabi pa ni Ginang Marquez na hindi nawawala ang reklamong wala ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga botante subalit kanyang ipinayo na kinakailangang maging masipag sa paghahanap ng kanilang pangalan ang mga botante sa panahon ng halalan.
Ang sanhi lamang anya ng ng pagtanggal sa pangalan ng isang botante ay dahil hindi siya nakaboto ng dalawang magkasunod na halalan, ang paglipat ng tirahan at kapag namatay na.