CAUAYAN CITY – Patay ang isang drug surrenderer habang nakaligtas ang kanyang binatilyong pamangkin matapos silang pagbabarilin habang binabagtas ang daan sa Lutuad, Diffun, Quirino.
Ang biktima ay si Albert Mangantulao, 37 anyos habang nakaligtas ang kanyang sakay na pamangkin na16 anyos na siyang nagreport sa himpilan ng pulisya sa pamamaril ng riding in tandem sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi P/Chief Inspector Victoriano Yarcia, hepe ng Diffun Police Station na ang biktima ay nagdeliver ng ipapagawang furniture sa Aurora East, Diffun, Quirino at nang pauwi na ay pinagbabaril siya ng mga suspek.
Nang makarating sila sa barangay Lutuad ay isang motorsiklo na sakay ang dalawang suspek ang lumampas sa kanila at pinaputukan ang tsuper ng kolong kolong na si Albert Mangantulao.
Sinabi ni P/Chief Inspector Yarcia na si Mangantulao ay nagtapos sa community based rehabilitation and wellness program ng Saguday Police Station ngunit hindi pa masabi kung ito ay may kinalaman sa pagpatay sa kanya.
Nagtamo siya ng mga tama ng baril sa ulo, kamay at iba pang bahagi ng kanyang katawan.
Natagpuan ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng ng Caliber 45.
Ayon kay Chief Inspector Yarcia, sinabi ng pamangkin ng biktima na hindi niya namukhaan ang mga suspek dahil nang makarinig siya ng mga putok yumuko siya at hindi na tiningnan ang mga nagpaputok ng baril.
Nanawagan si Chief Inspector Yarcia sa sinumang may impormasyon sa krimen na makipagtulungan sa mga tagasiyasat para matukoy at madakip ang mga suspek sa pamamaril sa barangay Lutuad, Diffun, Quirino para mabigyan ng hustisya ang biktima.