CAUAYAN CITY- Tinawag na malisyoso at walang batayan ang paratang sa pamunuan ng 5th Infantry Division Phil. Army na may kinalaman sa pagkamatay kay NDFP Consultant Randy Malayao.
Ginawa ng pamunuan ng 5th ID ang pagtanggi makaraang paratangan ng mga kasapi ng NDF Cagayan Valley, Kaparatan Cagayan Valley at Danggayan Daguiti Mannalon Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, hinamon ni Major Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office at spokesman ng 5th ID Phil. Army ang mga nagpaparatang na maglabas ng mga ebedensiya ng direktang magtuturo sa kahit sinumang sundalo na may kagagawan sa pamamaslang sa NDFP Consultant
Kung mayroon anyang matibay na ebedensiya ay nakahanda nilang iharap sa pulisya ang sinumang may kagagawan .
Nanawagan siya sa mga nasabing progresibong pangkat na makipagtulungan sa binuong Special Investigation Task Group Malayao upang makatulong sa paglutas sa pagpatay sa NDFP Consultant.