CAUAYAN CITY- Inamin ng number 1 sa Medical Technologist (MedTech) Board Examination ng nagkaroon siya ng anxiety attack bago ang nasabing pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni John Steward Alberto, residente District 1, Tumauini, Isabela at ng nagtapos ng Bachelor in Medical Laboratory Science sa Cagayan State University (CSU) – Andrews Campus sa Tuguegarao City na limang buwan siyang nagreview para sa exam kaya 5 buwan din siyang nalayo sa kanyang pamilya
Sa taas aniya ng expectation na papasa siya sa exam ay nagkakaroon siya ng anxiety attack habang nagrereview.
Sinabi ni Alberto na noong siya ay nasa una at ikalawang taon sa kolehiyo ay average student lamang siya subalit pagsapit niya ng 3rd year ay pinagbuti na niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa matapos niya ang kanyang kurso.
Inamin din ni Alberto na matapos niyang manguna sa MedTech Board Exam ay marami na ang nag-aalok sa kanya ng trabaho sa bansa at sa ibang bansa.
Sa ngayon aniya ay wala pa siyang balak na magtrabaho dahil kailangan niyang magpahinga bago kumuha ng kursong Medicine.
Samantala, sinabi ni Gng. Angelita Alberto na nagparamdam sa kanya na mapapabilang sa top 10 ang kanyang anak.
Aniya, tuwang-tuwa sila lalo na ang kanyang anak nang malaman na nanguna siya sa board exam.
Ayon kay Gng. Alberto, nagkaroon ng inspirasyon si John Steward sa kanyang mga tito, tita at pinsan na mga doktor kaya suportado nila ang anak sa kanyang hangarin na kumuha ng kursong medisina.
Bumuhos ang mga pagbati sa binata matapos siyang manguna sa Medtech Board Exam sa rating na 91.10%.
Ang kanyang kaklase at kaibigan sa CSU na si Ryan Jay Lomboy ng Vira, Roxas, Isabela ay number 10 sa rating na 88.90%