CAUAYAN CITY- kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries and damage to property ang kakaharapin ng driver ng pampasaherong van na sumalpok sa kuliglig na sinasakyan ng apat na namatay sa Liwanag, Tumauini, Isabela.
Ang mga namatay na pawang sakay ng kuliglig ay sina Jaime Infiel, 63 anyos; Catalina Cabasi, 57 anyos, kapwa residente ng Sto Nino, Tumauini, Isabela; Mila Barbieto, 61 anyos at Christine Barbieto, 3 anyos na kapwa residente ng Lalauanan, Tumauini, Isabela.
Sugatan din ang tsuper ng kuliglig na si Orlando Barbieto Sr. 55 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng barangay Lalauanan, Tumauini, Isabela.
Ang tsuper ng van ay si Michael Carino, 29 anyos, may asawa, residente ng Lucban, Abulug, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Police Chief Inspctor Eugenio Malillin, hepe ng Tumauini Police Station na pauwi na ang mga biktima sakay ng kuliglig nang salpukin sila ng isang pamsaherong van.
Dinala pa sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang apat habang patuloy namang nilalapatan ng lunas si Orlando.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na tatawid sana sa lansangan ang kuliglig patungong hilagang direksyon nang nabangga sila ng van na mula naman sa hilaga patungo sa timog na direksiyon.
Bagamat makikita sa skid mark na sinubukan pang iwasan ng van ang kuliglig ay nabangga parin nitong ang gitnang bahagi ng kuliglig.
Wala namang nasaktan sa mga sakay ng van na pinaniniwalaang mabilis ang takbo nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Tumauini Police Station ang tsuper ng Van.