CAUAYAN CITY – Itinanghal ang isang babaeng opisyal ng Philippine National Police (PNP) na Most Outstanding Woman sa Isabela kaugnay ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong Marso.
Si P/Senior Insp. Esem Galiza, ang pinuno ng Women and Children’s Protection Desk ng Cauayan City Police Station ang napiling Most Outstanding Woman ng Earthsavers UNESCO Dream Center Artist for Peace.
Isinagawa ang awarding kaninang umaga sa flag raising ceremony ng Panlalawigang Kapitolyo sa Lunsod ng Ilagan.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Galiza, sinabi na hindi niya inaasahan ang pagkamit sa nasabing award dahil ilan sa kanyang mga nakatunggali ay nakatanggap na ng mga international award.
Inamin niya na hindi pa rin siya makapaniwala na nakamit niya ang parangal dahil bigatin ang kanyang mga nakalaban.
Naniniwala siya na ito ay bunga ng kanyang adbokasya sa pagtatanggol sa karapatan at kapakanan ng mga kababaihan bilang pinno ng Women and Children’s Protection Desk.
Itinuturing ni P/Sr. Insp. Galiza na malaking hamon sa kanya ang award para higit pa niyang pag-iibayuhin ang kanyang kampanya para sa karapatan ng mga kababaihan.
Hindi siya magsasawang ipabatid sa mga mamamayan ang kakayahan at kahalagahan ng isang babae na kayang makipasabayan sa mga lalaki.
Ipagpapatuloy niya din ang kanyang mga adbokasiya sa serbisyo publiko bilang isang pulis at bilang isang babae.
Kabilang sa mga nakalaban si PSI Galiza ay ang Gollayan sisters o 4th impact na nakilala sa pagsali noon sa X-Factor UK, ang mga lady mayor ng San Guillermo at Jones, Isabela at ilan pa sa larangan ng negosyo.