CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan ng pulisya ang ilang anggulo sa pagbaril at pagpatay sa isang retiradong police major habang palabas dakong alas kuwatro kahapon sa isang sabungan sa Tuguegarao, Echague, Isabela.
Si Ret. P/Maj. Danny Alingog, residente ng Fugaru, Angadanan, Isabela at matagal na naging hepe ng Angadanan Police Station ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Batay sa imbestigasyon ng Echague Police Station, si Alingog ay palabas na sa WML cockpit arena at pasakay na sa kanyang sasakyan nang paputukan ng mga hindi pa nakilalang suspek na lulan ng dalawang motorsiklo.
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspek patungong barangay Santo Domingo, Echague, Isabela.
Inihayag ng ilang nakakita sa pamamaril na sumbrero lamang ang suot ng mga gunmen.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Maj. Andy Orilla, hepe ng Echague Police station, sinabi niya personal na motibo ang isa sa mga anggulo na kanilang tinututukan sa pagpatay kay Alingog.
Ayon pa kay P/Maj Orilla, may natukoy na silang mga persons of interest subalit hindi pa nila puwedeng banggitin ang kanilang pangalan para hindi maapektuhan ang kanilang imbestigasyon.