CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa Santiago City sa mga lokal na kandidato na determinado silang sampahan ng kaso ang mga lumalabag sa panuntunan sa tamang sukat at tamang lugar para sa kanilang mga campaign materials.
Ito ay matapos na makapagtala ang Comelec ng paglabag ng ilang kandidato sa Fair Elections Act sa isinagawang occular inspection sa mga lugar sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Maria Johanna Vallejo-Dela Cruz, election officer ng Santiago City, sinabi niya na maraming campaign poster ng mga kandidato ang lumampas sa tamang sukat at hindi nakalagay sa itinalagang common posters area.
Ayon kay Atty. Dela cruz, magsasagawa sila ng Operasyon Baklas sa April 4-5, 2019 para matanggal ang mga campaign materials ng mga kandidato na lumabag sa panuntunan ng Comelec.
Ayon kay Atty. Dela Cruz, padadalhan nila ang mga kandidato ng pabatid hinggil sa kanilang paglabag sa Fair Elections Act.