--Ads--

CAUAYAN CITY – Umaabot na sa mahigit siyam na raang milyong piso ang kabuuang halaga ng mga pananim na mais at palay sa ang napinsala ng nararanasang tagtuyot sa Isabela.

Bagamat may madalang na pag-ulan dulot ng cloud seeding operation ng Department of Agriculture (DA) region 2 sa Isabela ay hindi ito sapat para sa kailangang tubig ng mga pananim.

Sa panayam ni Bombo Princess Anquillano inihayag ni Provincial Agriculturist Dr. Angelo Naui na batay sa kanilang talaan noong buwan ng Marso, pangunahing naapektuhan ang mga pananim na mais at umaabot na sa mahigit walong daang milyong piso ang napinsala.

--Ads--

Sa palay naman ay umaabot sa mahigit isang daang milyong piso ang napinsala dulot ng kawalan ng ulan.

Umaabot na sa 36,150 na magsasaka ang naapektuhan ng tagtuyot.

Nanawagan ang Provincial Agriculture Office ng Isabela sa mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang Municipal Agriculture Office at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang sila ay matulungan.

Maging ang Provincial Government ng Isabela ay patuloy ang pagbibigay tulong sa mga magsasaka.