CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang miyembro ng Private Armed Group (PAG) dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Minuri, Jones, Isabela.
Ang nadakip ay si Nixon Ballad, may-asawa at residente ng Dibuluan, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Capt. Fernando Mallilin, hepe ng Jones Police Station, inihayag niya na naaresto ang suspek sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga kasapi ng Regional Intelligence Division (RID), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), 3rd Platoon 2nd IPMFC, Provincial Intelligence Branch ng IPPO, Jones Police Station at PDEA Region 2.
Tinangka ni Ballad na tumakas matapos malaman na pulis ang kaniyang katransaksiyon ngunit agad siyang nahuli matapos na maharang ng mga pulis.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang hand grenade at isang heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at isa ring heat sealed plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Si Ballad ay kabilang sa listahan ng Directorate for Intelligence ng Philippine National Police Police (PNP) sa Kampo Krame.
Inaalam ng mga otoridad kung ang suspek ay aktibo pang kasapi ng Private Armed Group.