--Ads--

CAUAYAN CITY-Hinatulang guilty ng Sandiganbayan 2nd division si Sto. Tomas, Isabela Mayor Antonio Talaue habang inabswelto naman ang dalawa pa niyang kasamahan sa kasong paglabag sa Government Service Insurance System Act of 1997.

Sa ipinalabas na 17 pahinang desisyon ng Sandiganbayan 2nd division, hinatulan si Mayor Talaue na makulong ng tatlo hanggang limang taon at pagbayad ng multang dalawampung libong piso.

Sa nasabing kapasyahan ay inabswelto naman ang kasama niyang sina dating Municipal Accountant Florante Galasinao at Municipal Treasurer Efren Guiyab.

Nag-ugat ang kaso laban sa tatlong opisyal ng pamahalaang lokal ng Sto. Tomas Isabela dahil sa kabiguang bayaran ang premium contribution sa Government Service Insurance System (GSIS) ng mga empleyado na umaabot sa mahigit dalawamput dalawang milyong piso.

--Ads--

Ang nasabing halaga ay hindi nabayaran mula Enero, 1997 hanggang Enero, 2004.

Maliban sa pagkakakulong at multa ay pinatawan din si Mayor Talaue ng habambuhay na pagkawala ng karapatan sa paghawak ng pampublikong tanggapan.

Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuhanan ng reaksiyon si Mayor Antonio Talaue sa kapasyahan na ito ng Sandiganbayan subalit hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.