CAUAYAN CITY– Lumabas sa pagsisiyasat ng Mallig Police Station na hinatulan na ng korte na mabilanggo ang magsasakang namatay matapos manlaban sa mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Loreto Infante,hepe ng Mallig Police Station, sinabi niya na ang akusadong si Edwin Battung, magsasaka at residente ng San Jose Norte, Mallig, Isabela ay dati nang hinatulan ng mahigit 14 na taong pagkakulong dahil sa kasong carnapping.
Ngayon lamang naisilbi ang kanyang warrant of arrest matapos malamang umuwi para dumalo ng pista sa kanilang bayan at nagtago ng matagal.
Inilabas ng akusado ang kaniyang baril at pinaputukan ang mga pulis na magsisilbi sana ng kanyang warrant of arrest.
Agad namang gumanti ng putok ang mga pulis kaya natamaan sa dibdib ang akusado na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Nakuha sa pag-iingat ni Battung Cal. 45 baril.
Idinagdag pa ni Police Captain Infante na ang kasama ng akusado ay una nang nadakip at nakakulong na sa BJMP.