CAUAYAN CITY- Aabot sa labing walong empleyado ng National Food Authority (NFA) Region 2 ang mawawalan ng trabaho kasunod ng pag-apruba ng National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Budget and Management (DBM) sa Implementing Rules and Regulation ng rice tarrification law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni NFA Region 2 Director Rocky Valdez na ang mga matatanggal na empleyado ay mga nasa regulatory functions ng ahensiya.
Sa nasabing IRR ng Rice Tarrification Law ay inaalis na ang regulatory functions ng NFA at pagtutuunan na lamang ang buffer stocking ng bigas.
Sa ilalim ng batas ay pinapayagan ang kahit sino na mag-angkat ng bigas na ibebenta sa bansa ngunit kaabit nito ang pagbabayad ng 35% na taripa.
Idinagdag pa ni NFA Region 2 Director Valdez na nakalulungkot man na maaalis na sa serbisyo ang ibang empleyado ngunit kailangan umano nilang sumunod.
Gayunman, tiniyak niya na ang mga matatanggal ay makatatanggap ng retirement package habang ang iba ay hinahanapan ng ibang trabaho.
Ngayon ay abala ang ahensiya sa pagbili ng aning palay sa mga magsasaka.