CAUAYAN CITY – Napakinggan ang plataporma, pahayag at opinion sa ilang mainit na issue sa Cauayan City ang dalawang kandidato sa pagka-bise mayor sa Debate sa Bombo kaninang umaga sa palatuntunang Bombo Hanay Bigtime.
Kabilang sa mga mainit na isyu sa Cauayan City ang problema sa basura, trapiko at pagsasapribado sa public market ng lungsod.
Dumalo sa Debate sa Bombo sina Vice Mayoralty Candidate Atty. Diosdado Ramirez at retired Isabela State University (ISU) Professor Angelito Barreto.
Hindi nakadalo si incumbent Vice Mayor Leoncio “Bong” Dalin Jr.
Hinggil sa solusyon sa suliranin sa basura sa Cauayan City na binansagang Ideal City of the North, sinabi ni Atty. Ramirez na tumatayo ang kanyang balahibo kapag naririnig ang bansag na ito.
Iginiit niya na dapat tanungin sa mga opisyal ng pamahalaang lunsod kung bakit isinapribado ang paghahakot ng basura.
Sinabi naman ni Mr. Barreto na problema ang hindi nasusunod collection sa basura na nagbubunga ng hindi magandang larawan sa mga gilid ng daan.
Kung siya ay mabibigyan ng pagkakataong maglingkod sa Cauayan City ay aayusin niya ang konsepto ng Material Recovery Facility (MRF) at maayos na pagpapatupad sa Clean Air Act para sa ibayong pagpapantili ng kalinisan.
Sa tanong kung paano paano pamumunuan ang Sangguniang Panlunsod na karamihan ay nasa panig ng administrasyon, sinabi ni Atty. Ramirez na mahalaga ang leadership factor sa isang vice mayor na dapat paniniwalaan ng mga kasama at alam ang kanyang ginagawa.
Bilang dating bise mayor ay naniniwala siya na sapat ang kakayahan para pamunuan ang konseho.
Sinabi naman ni Mr. Barreto na mahirap pamunuan ang konseho kung hindi kapanalig ang nakararaming miyembro nito ngunit magiging gabay niya ang kanyang saktong serbisyo, ang isulong ang serbisyo na walang atubili para sa taumbayan.
Dapat ayusin at bubusiin ang mga ginagawang batas sang-ayon sa rule of law at higit na pakikinabangan ng mas nakakarami.
Samantala, hinggil sa kawalan ng public market sa Cauayan City dahil ginawa na itong pribado, sinabi ni Atty. Ramirez na nakasaad sa Local Government Code na dapat may public market at slaughterhouse ang bawat bayan at lunsod.
Sinabi naman ni Ginoong Barreto na ito sana ang nais niyang ipasagot kay Vice Mayor Dalin kung siya ay nakasama sa Debate sa Bombo.