--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinasalamatan ng Batanes Police Provincial Office (BPPO) ang mangingisda na nagsuko matapos matagpuan ang palutang-lutang sa dagat malapit sa Naidi Light House sa Basco, Batanes ang umaabot sa isang kilo ng cocaine na nakalagay sa isang transparent vacuum plastic at may street value na 5.7 million pesos.

Isinuko ng mangingisdang si Roger Gallo Gabotero, residente ng Kayhuvukan, Basco, Batanes ang narekober na iligal na droga sa Basco Police Station.

Ayon kay Gabotero, habang siya ay nangingisda ay nakita niya ang hinihinalang cocaine na nakabalot sa pakete ng tsaa na may nakasulat na kulay pulang mga letra at palutang-lutang sa dagat.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Col. Merwin Cuarteros, provincial director ng BPPO na irerekomenda niya sa kanilang regional office na mabigyan ng reward ang mangingisda.

--Ads--

Aniya, sinusuyod na nila sa tulong ng mga mangingisda ang iba pang bahagi ng dagat kung saan natagpuan ang isang kilo ng cocaine sa pag-asang mayroon pa silang matatagpuan.

Inatasan din niya ang mga municipal police stations sa Batanes na maging alerto at suyurin ang mga nasasakupang karagatan.