CAUAYAN CITY – Puntirya ng Commission on Elections (Comelec) sa Cauayan City na walang aberya at mangunguna sa transmission ng resulta ng halalan sa Mayo 13, 2019.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Jimms Dandi Ramos, acting election officer ng Comelec – Cauayan City na tulad ng pangunguna ng Tuguegarao City sa transmission ng eleksiyon at pinaka-kaunting aberya noong nakaraang automated election ay nais din niyang mangyari ito sa Cauayan City.
Buong linggo aniyang magsasagawa ng training ang kanyang tanggapan sa mga magsisilbi sa halalan upang malaman nila ang mga dapat gawin para matugunan agad sakaling magkaroon ng aberya.
Bukod dito pinaalalahanan din ng COMELEC ang mga electoral board sa mga dapat at hindi dapat gawin sa final testing at sealing ng mga gagamiting Vote Counting Machine (VCM) na inaasahang isasagawa sa Mayo 10, 2019.
Kabilang dito ang hindi dapat pagtransmit ng mga resulta sa testing ng mga VCM.
Ayon kay Atty. Ramos, may ganitong pangyayari noong nakaraang automated election sa ibang lugar sa bansa na naipasok ang resulta ng testing ng mga VCM at inireklamo ng ilang kandidato.