CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang barangay kapitan matapos makumpiskahan ng iba’t ibang uri baril, bala at magazine sa pagsisilbi ng mga otoridad kaninang 6 ng umaga ng search warrant na ipinalabas ng korte.
Ang inaresto ng mga otoridad sa pagsisilbi ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Efren Cacatian ng Regional Trial Court (RTC) branch 35 sa Santiago City ay si barangay kapitan Reynaldo Hope ng Gud, San Isidro, Isabela, 48 anyos.
Isinilbi ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ni PLt.Col. Arturo Marcelino, 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) sa pangunguna ni PMaj. Joel Dulin, San Isidro Police Station sa pangunguna ni PCpt. Joel Bumanglag at IPMFC SWAT sa pangunguna ni PCpt. Melchor Aggabao ang search warrant dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kabilang sa mga nakumpiska sa bahay ni Barangay Kapitan Hope ang 1 unit Norinco M16 Rifle na may tampered serial number; 1 unit Armscor Cal. 45; 1 unit Daewo Caliber 380; 4 piraso ng long magazine para sa M16 rifle; 13 short magazine para sa M16 rifle; 307 piraso ng bala para M16 rifle; 1 piraso ng magazine assembly para Caliber 45; 8 piraso ng bala para sa Caliber 45; 1 magazine assembly para sa Cal 380; 7 piraso ng bala para sa Caliber 380 ; 1 magazine assembly para sa Carbine; 15 bala ng Carbine; 5 bala ng Caliber 9mm; 2 bala ng M203; 1 bala ng Cal. 50.
Ang iba pang nakumpiska sa bahay ni Hope ay ang 5 empty shell ng Cal. 45; 22 empty shell ng Caliber 9mm; 5 piraso ng side holster; 1 bandoleer para M16; 1 carrying handle na may rear sight assembly; 1 magazine assembly para MP5; 1 spare barrel ng Cal.45 at 1 unit Cal. 45 airsoft o Replika ng Cal. 45.
Dinala si Barangay Kapitan Hope sa CIDG Provincial Field Unit sa IPPO, Baligatan, City of Ilagan para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso laban sa kanya.