CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga pulis sa Aurora, Isabela ang pitong lalaki na namataan sa isang abandonadong bahay na may mga dalang baril at granada.
Ang mga armadong lalaki ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang mga inaresto ay sina Roger Buccasan, 23 anyos at residente ng Appas, Upper Lubu, Kalinga na nasamsaman ng Remington .45 caliber na may isang magazine at 6 na bala.
Si Dario Balaybay, 49 anyos at residente ng Upper Lubu, Kalinga na nasamsaman ng isang Colt .45 caliber na may isang magazine at 5 na bala.
Si Jayson Sorad, 19 anyos at residente ng Upper Lubo, Tanudan, Kalinga na nakuhanan ng Colt .45 caliber na may isang magazine at 5 na bala.
Si Pio Bana, 52 anyos, residente ng Upper Dacalan, Tanudan, Kalinga at nasamsaman ng Colt .45 caliber na may isang magazine na may 5 bala.
Si Heartwin Banna, 22 anyos, residente ng Gaang, Tanudan, Kalinga na nasamsaman 38 revolver na may tatlong bala.
Si Eddie Bannao, 34 anyos, residente ng Daang, Tanudan, Kalinga at nakuha sa kanya ang 38 revolver na may bala.
Ikapito si Kim, di tunay na pangalan, 16 anyos, at residente ng Daang, Tanudan, Kalinga at nakumpiskahan ng isang granada.
Isang concerned citizen ang nagsumbong sa Aurora Police Station tungkol sa isang grupo ng mga lalaki na may nakasukbit na baril sa kanilang baywang at nag-iikot sa kanilang lugar.
Ang mga suspek ay nagtatago sa abandonadong bahay ni dating Barangay Kapitan Carlito Molina sa nasabing lugar.
Nang puntahan ng pulisya ng Aurora ang bahay na kanilang pinagtataguan ay nadatnan sila sa labas ng bahay.
Tinanong ng mga pulis ang mga suspek kung may dokumento ang kanilang mga baril subalit wala silang naipakita kaya sila ay inaresto.
Ang 7 na suspek ay dinala sa Aurora Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.