CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng mga kamag-anak ng isang binata na sinaksak at inihulog ang bangkay sa isang balon sa Dacanay Street Extension, San Fermin, Cauayan City.
Matapos ang ilang oras na retrieval operation ay naiahon kagabi ng mga miyembro ng Rescue 922 ang bangkay ng
biktima na si Edward Dalog, 29 anyos at residente ng Labinab, Cauayan City, Isabela
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, dakong alas dos kahapon nang magsumbong si Lara Joy Atilano hinggil sa nangyaring pananaksak kay Dalog at itinapon ang kanyang bangkay sa balon na may lalim na 30 metro.
Sa pagtugon ng mga pulis ay napatunayan nilang positibo ang sumbong kaya isinagawa ang recovery operation kasama ang mga miyembro ng Rescue 922.
Nahirapan ang Rescue 922 na maiahon ang bangkay ng biktima dahil tinabunan pa ito ng mga bato at buhangin.
Sa follow up operation ay natukoy ng mga miyembro ng Cauayan City Police Station ang mga suspek sa krimen na sina Macmac Taguinin, 22 anyos, residente ng District 1, Cauayan City; Patrick Baretto, residente ng District 2, Cauayan City; Jimbo Dumelod, residente ng District 1, Cauayan City; Marvin Feliciano, residente ng District 1, Cauayan City; Glaiza Satchi, residente ng Cabaruan, Cauayan City; Alona De Leon, residente ng District 1, Cauayan City; isang alyas Bitoy na residente District 1, Cauayan City at isang alyas Pallaya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa karumal-dumal na pagpatay kay Dalog.