
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pangangalap ng impormasyon at ebidensiya ng pamunuan ng 86th Infantry Battalion Philippine Army sa nakarating na impormasyon sa kanila na may ilang pulitiko umano ang gumagamit ng mga makakaliwang grupo upang maghasik ng takot kaugnay ng nalalapit na halalan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Remigio Dulatre, commander ng 86th Infantry Battalion, sinabi niya na pumapasok ang mga makakaliwang grupo sa partisan politics dahil sa perang maaaring maging kapalit nito.
Nagpapadala sila ng mga mensahe sa kanilang target sa pamamagitan ng sulat na may pananakot.
Patuloy din ang pagsisiyasat ng militar para alamin ang katotohanan ng impormasyon na nagbibigay umano ang ilang kandidato ng permit to campaign fee.










