CAUAYAN CITY – Aabot sa 4,000 na bakanteng trabaho ang alok sa mga aplikante sa Regional Labor at Business Fair na ginaganap ngayon sa F.L. Dy Coliseum sa Cauayan City bilang bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Atty. Sarah Buena Mirasol ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 2 na 51 ang mga kompanya, business establishment at recruitment agency ang nakikiisa sa pag-aalok ng 2,000 na local employment at 2,000 na overseas employment.
Nilinaw din ni Atty. Mirasol na sa Cauayan City isinagawa ang regional job at business fair dahil sa maraming aktibidad.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) ang partner ng DOLE sa pagsasagawa ng Trabaho, Negosyo at Kabuhayan (TNK) Caravan para makapagbigay ng impormasyon at inspirasyon ang mga grupo, asosasyon o individual na natulungan ng dalawang kagawaran para sa hangarin nilang magkaroon ng sariling negosyo.
Hinimok ni Atty. Mirasol ang mga naghahanap ng trabaho na pumunta sa regional jobs fair sa Cauayan City na magtatagal hanggang alas singko ng hapon.