CAUAYAN CITY – Naniniwala ang tagasuporta ng isang kandidato sa pagka-mayor na may kaugnayan sa halalan ngayong araw ang ang pagsabit ng granada sa gate ng kanyang bahay sa San Jose Norte, Mallig, Isabela.
Alas sais kaninang umaga nang makita mismo ni Mr.Diosdado Granado ang hand grenade na nakasabit sa gate ng kanilang bahay.
Itinawag niya sa Mallig Police Station na agad namang tumugon at kinordon ang lugar dahil wala na ang pin nito.
Nagtungo rin sa lugar ang mga kasapi ng Rescue 119 at Burea of Fire protection habang hinihintay ang pagdating ng mga kasapi ng Explosives and Ordnance Division ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Ginoong Granado na siya ay tagapagpakilala sa kampanya ng grupo ng isang kandidato sa pagka-mayor.
Siya rin ang secretary ng tanggapan ng mayor ng Mallig, Isabela.
Sinabi ni Mr. Granado na aalis sana siya sa kanilang bahay nang makita niya ang nakasabit na granada sa kanilang gate.
Maaga siyang natulog kagabi kaya hindi na niya napansin kung may aali-aligid sa kanilang bahay. Iginiit din niya na wala siyang nakaalitan at nakasagutan.
Hindi niya inaasahan ang nasabing pangyayari dahil alas diyes o alas dose ng hatinggabi siya umuuwi sa mga nagdaang araw at wala namang nangyari sa kanya.
Iginiit din niya na wala siyang nakaaway o nakasagutan.