--Ads--

CAUAYAN CITY – Agad sasampahan ng mga kaso ang dalawa sa 7 armadong lalaki na sakay ng pick up na humarang at sumunog sa 2 Vote Counting Machine (VCM) sa Sta. Isabel, Jones, Isabela na nasa kustodiya na ng pulisya.

Unang naaresto dakong alas diyes kagabi sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Diarao, Jones, Isabela ang suspek na si Rodel Pascual, 34 anyos, magsasaka at residente ng Sta. Isabel, Jones, Isabela.

Kaninang 9:32am ay sumuko ang isa pang suspek na si Jayson Leanio, 27 anyos, magsasaka at residente ng Sta. Isabel, Jones.

Si Leanio ay ipinasakamay sa Jones Police Station nina Barangay Kapitan Alberto Plaida Jr at barangay Kagawad Randy Resurreccion ng Sta. Isabel, Jones, Isabela matapos lumapit at sumuko sa kanila. 

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. Fernando Mallillin, hepe ng Jones Police Station na iginiit ni Leanio na wala siyang kinalaman sa bintang sa kanya na pagsunog sa VCM.

Ayon kay PCpt. Mallillin, kakasuhan nila sina Pascual at Leanio ng robbery at serious illegal detention.

Ang tinig ni PCpt. Fernando Mallillin

Patuloy ang kanilang hot pursuit operation para maaresto ang lima pang suspek. 

Samantala, hinggil sa sinunog na pick up sa isang bakanteng lote sa Quezon, San Isidro, isabela, sinabi ni PCpt Mallillin na may side mirror na dinala ng mga witness sa kanilang himpilan at tumutugma ito sa natanggal na side mirror ng sinunog na Mazda pick up.

Naniniwala si Mallillin na ang pagsunog sa pick up ay bahagi ng taktika ng mga suspek na iligaw ang imbestigasyon at mawala ang ebidensiya laban sa kanila.

Nakikipag-ugnayan na sila sa PNP Highway Patrol Group (HPG) para malaman kung sino ang may-ari ng sasakyan.