--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Isabela Chapter ang pagbaril at pagpatay sa dalawang abogado sa lalawigan ng Rizal at Pangasinan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Atty Lucky Damasen, presidente ng IBP-Isabela Chapter na nakalulungkot na may mga napapatay na abogado na tila nagpapahiwatig na hindi maganda ang seguridad ngayon sa bansa.

Iginiit niya na bilang isa ring abogado ay hangad lamang nila na ipaglaban ang tama at naaayon sa batas.

Ang mga miyembro ng IBP sa Isabela ay magpupulong at magpapalabas ng manifesto na kumukondena sa pagpatay sa dalawang manananggol.

--Ads--
Ang tinig ni Atty. Lucky Damasen

Matatandaan na dumalo si Atty. Val Crisostomo, legal counsel ng peryahan ng bayan at residente ng bayan ng Manaoag, Pangasinan sa hearing sa kasong may kaugnayan sa illegal gambling at habang nakatayo sa harapan ng Hall of Justice ay nilapitan siya ng suspek na nakasuot ng kulay itim na jacket at asul na helmet saka pinagbabaril.

Namatay din sa pananambang ang abogadong si Atty. Edilberto Golla Jr., 45 anyos malapit sa kanyang bahay sa Eastwood Greenview Subdivision sa San Isidro, Montalban Rodriguez, Rizal.

Kalalabas pa lamang niya sa gate ng kanilang bahay lulan ng kaniyang SUV at patungo sana sa isang pagpupulong nang harangin at pagbabarilin siya ng riding-in-tandem.