--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng Quirino Police Station para matukoy ang mga suspek at malaman ang motibo sa naganap na pamamaril dakong 7:45 kagabi sa isang motorsiklo at isang tricycle sa Villa Miguel, Quirino, Isabela.

Napatay ang tsuper ng motorsiklo na si Arnel Rubillos at residente ng Mansanita, Ipil, Tabuk City, Kalinga habang nawawala ang kanyang angkas at tsuper ng tricycle matapos silang tumalon sa sapa na malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.

Tumugon ang mga kasapi ng Quirino Police Station sa tawag ni Barangay Kagawad Mercy Umipig upang ipabatid ang naganap na pamamaril sa barangay road ng Sitio Padut, Villa Miguel, Quirino, Isabela

Ang mga nawawala ay ang angkas ni Rubillos na si alyas Amor kasama si Ferdinand Pasion, tsuper ng isang RS 125 na may sidecar at may plate no. 6565 BG, residente ng Sta Lucia, Quirino, Isabela.

--Ads--

Nakatakbo at nakahingi ng tulong ang sakay ni Pasion na si Ralph Lawrence Binosa, 11 anyos at residente Sta Lucia, Quirino, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na binabagtas ng motorsiklo at tricycle ang nasabing daan nang sila ay paputukan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo na sumusunod sa kanila.

Si Rubillos ay nagtamo ng malalang tama ng bala sa kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa pagtakbo ni Binosa ay nakasalubong niya ang tricycle na minaneho ni Sammy Ganitano natumigil at kasama niyang humingi ng tulong sa bahay ni kagawad Umipig na agad tumawag sa himpilan ng pulisya.

Sa pagtugon ng Quirino Police Station ay natagpuan nila ang wala nang buhay na si Rubillos.

Tinawagan nila ang Scene of the Crime Operatives (Soco) team sa pamumuno ni PLt Col Erwin Camarao na nakarecover sa crime scene ng 6 Cal .45 fired cartridge cases, isang deformed fired bullet, 2 Cal .45 cartridge at isang magazine para sa Cal .45 pistol.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt Rustom Ortiguero, hepe ng Quirino Police Station na galing si Rubillos sa kanyang bukid at pauwi na sakay ang kanyang apo nang maganap ang pamamaril.

Alitan sa lupa ang isa sa mga anggulong sinisiyasat sa krimen.

Ang tinig ni PCpt Rustom Ortiguero