CAUAYAN CITY – Malaking tulong sa pagpapaunlad ng produksiyon ng mangga sa Isabela ang isinagawa kaninang umaga sa Cauayan City Domestic Airport na launching ng pag-export ng mangga na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ni Governor Faustino “Bojie” Dy III.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni media consultant Romy Santos na bahagi ito ng programa para mapalago ang industriya ng mangga sa Isabela.
Nagkaroon ng arrangement ang Isabela Mango Growers Federation sa pangunguna ng negosyanteng si Charles Lim ng San Isidro, Isabela sa Philippine Mango Industry Foundation Incorporated (PMIFI) para sa pagbili at pagluluwas ng mangga sa ibang bansa.
Mayroon ding kasunduan ang PMIFI sa isang airline company para sa shipment ng mga pang-export na mangga upang mas mabilis ang pagdadala sa mga ito sa Metro Manila.
Matatandaang noong Marso 2019 ay isinagawa ang 21st Mango Congress sa Isabela State University (ISU) Echague Campus upang maturuan ang mga nagtatanim ng mangga ng makabagong teknolohiya para de kalidad ang bunga ng kanilang mga tanim at mas malaki ang kanilang kita.
Ang mga mangga na isinakay sa eroplano at dinala sa Kalakhang Maynila ay magaganda ang kalidad, inilagay sa 75 na box na kulay berde at iluluwas sa Dubai.
Problema aniya ng mga nagtatanim ng mangga sa Isabela ang kanilang market dahil mas maganda ang kalidad ng mangga sa ibang lalawigan tulad ng Guimaras sa Visayas at Pangasinan sa region I.
Sa pamamagitan ng Mango Growers Federation ay matuturuan ang mga nagtatanim ng mangga na mapabuti ang kalidad ng kanilang produkto.
Sa pamamagitan naman ng launching ng mango export sa Isabela ay mahihikayat ang mga nagtatanim ng mangga na malutas ang kanilang problema at tataas ang kanilang kita sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya.
Isang paraan din ito para maibsan ang epekto ng Rice Tarrificatin Law sa magsasaka sa pamamagitan ng paghimok sa kanila na magtanim ng high value crops tulad ng mangga.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng negosyanteng si Charles Lim, pangulo ng Mango Growers Federation na magandang balita sa Isabela at region 2 ang pag-export na ng mangga mula sa lalawigan.
Ang mangga aniya sa Isabela ay talagang export.
Ang mga binibili dito ng mga taga-Laoag, Pangasinan at Nueva Ecija ay ipinapangalan na sa kanila kaya nabubura ang Isabela sa market.
Mabuti aniya na may quota ang negosyante si Virgie dela Fuente, chairperson ng PMIF na siyang bumibili ng mga de kalidad na mangga mula sa Isabela.
Nahikayat niya ang Cebu Pacific na isakay ang kanyang shipment ng mangga patungong Metro Manila para mabawasan ang handling at delay.
Mula noong Abril 2019 ay halos linggu-linggong nagluluwas si dela Fuente ng mangga mula sa Isabela.
Ayon kay Mr.Lim, lumapit siya kay Gov. Bojie Dy para maisagawa ang 21st Mango Congress para makilala ang mangga sa Isabela.
Binigyang-diin ni Ginoong Lim na mahalaga na binabalot ang mga bunga para hindi kapitan ng insekto dahil ito ang tinatanggap sa ibang bansa.
Binanggit niya ang mga natutunan ng kanyang mga ipinadalang tauhan kay Ginoong Roland Sakdalan sa Midsayaf, North Cotabato na nagsaliksik ng makabagong teknolohiya sa India at China para sa tamang paraan ng produksiyon ng mangga.