CAUAYAN CITY – Nagbabala sa publiko ang National Telecommunications Commission (NTC) region 2 hinggil sa kumakalat na text scam na ginagamit ang raffle para sa anibersaryo ng Wowowin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Myra De Guzman ng legal division ng NTC region 2 na nakipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng nasabing programa at sinabing scam ang kumakalat na text.
Ito ang dahilan kung bakit pinaigting ng NTC region 2 ang information drive para mabigyan ng impormasyon ang mga mamamayan lalo na ang mga subscriber na madaling mapaniwala sa mga text na kanilang natatangap.
Ipinaliwanag ni Atty. De Guzman na limitado ang kakayahan ng NTC na ma-trace ang mga nagpapakalat ng text scam dahil sa Data Privacy Act na nagbibigay ng proteksiyon sa mga telecom subscriber.
Ang may kakayahan aniya na magsagawa ng trace ay ang mga telcos mismo.
Pinaalalahanan niya ang mga subscriber o nagmamay-ari ng mga cellphone na maging alerto at mapanuri para hindi mabiktima ng mga nagsasagawa ng text scam.